This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.
Ito ang mapait na tadhana ng mga Pilipino: isang prinsesang nagmana ng karahasan ng extra-judicial killings, laban sa prinsipeng nagmana ng alamat ng pekeng ginto at karahasan ng Martial Law
Marami nang nasabi tungkol sa pag-iinarte ni Vice President Sara Duterte sa Kamara. Ito raw ay narcissism. Kawalan ng transparency at accountability. Sense of entitlement.
Matingkad ang analysis ng chairman ng Ateneo Political Science Department na si Carmel Abao: Habang nakikita natin ang kahalagahan ng mga institusyon tulad ng Kongreso sa pagtitiyak ng accountability, nakikita rin natin how damaged they are.
Sinabi rin ni Abao na bahagi ng populist strategy ni VP ngayon ang “defiant” o “palaban” na asta.
Hinimay ito ni Raissa Robles sa artikulo niya sa SCMP, kung saan kino-quote niya ang dating adviser on political affairs na si Ronald Llamas, na nagsabing isa sa taktika ni Sara ang “playing the victim.”
Pero balikan din natin ang psychology ni Sara — sa simula pa lang, “rebellious daughter” ang asta ni Sara sa ama niyang mabunganga pero relatable sa masa. Nanuntok pa nga siya ng sheriff noon.
Noong panahong si Pantaleon Alvarez ang Speaker of the House, lumabas naman ang alliance-builder at kingmaker persona ni Sara, na nagpaluhod kay Alvarez habang ka-chika sina Gloria Macapagal Arroyo at Imee Marcos — bagay na hindi naman mahirap gawin dahil anak siya ni Duterte at naghahasik ng lagim sa poder ang kanyang ama.
At noong namumuno siya sa Department of Education (isang disastrous gamble para sa kanya at sa nag-appoint sa kanya na si Ferdinand Marcos Jr., not to mention pinakatalo ang mga mag-aaral sa bansa), isa siyang maamong kaalyado ni Marcos.
Tingin ng mga analyst, hinubad na niya ngayon ang “softened image” na mala-titser noong siya’y DepEd secretary para sa isang “combative” na Sara.
Ito rin ang legacy ng kanyang ama — sa bawat pag-irap, channeling Digong si Inday Sara. At kitang-kitang naghahanap ng away ang prinsesa from Davao. Sumipot pa siya sa isang hearing na hindi siya inaasahang dumating.
Pero ang tanong: Papatok ba ito sa masa? Matatandaang bumagsak nang 19 percentage points ang satisfaction rating ni VP noong Hulyo kung ikukumpara sa Hunyo. Kare-resign pa lang niya sa DepEd noong panahong ito. Marahil ay factor sa pagbagsak ng satisfaction ratings ang bagong imahe: bagong hair and make-up at “fierce” na lengguwahe.
Ano ang context ng lahat ng ito? Higit kailanman, beleaguered o humaharap sa matinding hamon ang mga Duterte sa pulitika.
Hinahabol ng International Criminal Court ang kanyang ama, at tila hindi pipigilan ng administrasyong Marcos ang pagtugis na ito. Ang sanggang-dikit na kaalyado ng mga Duterte, ang umano’y manyak na si Apollo Quiboloy, nakakulong na sa Crame. Ang mga kapatid niyang lalake – tila nag-PhD na sa thuggery — turn-off kahit sa mga taga-Davao.
Ang mga kaalyado nila sa House, minsang kumikibo, pero kadalasan ay nananahimik laban sa makapangyarihang majority.
Pati ang mga Chinese na kaibigan ng mga Duterte tulad ni Michael Yang ay wanted na rin. Kamakailan lang ay inaresto ang matandang kapatid ni Yang dahil sa koneksiyon sa mga ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
Si Sara Duterte ang inaasahang magtataguyod ng bandera ng mga Duterte ngayon.
Habang pinagtatawan ang “shimenet” memes at inuulan ng batikos si VP Sara, tumungo siya sa Peñafrancia at nakipagkita kay Dating Vice President Leni Robredo. (Hindi natin alam anong lohika ang nagtulak kay Robredo na magpakahon sa narrative ni Sara.)
Sa buod ng memes ay ang pagka-turn-off ng mga Pilipino sa sense of entitlement ni Princess Sara: ayaw magpa-scrutinize, ayaw masita, at ayaw ng accountability.
Obvious na visibility ang agenda ni Sara. She’s winning the attention war, pero naipapanalo ba niya ang conversation? Baka ang lohika ay tulad ng lohika ni Donald Trump: any news is good news.
Habang malayo pa ang 2028 at may 2025 pang tatawirin, may wisdom ba ang estratehiya ni Sara na “offense is defense”? Ito ba’y bunga ng matalas na pag-unawa sa psyche ng mga pro-Duterte supporters na nanahimik ngayon, pero andiyan lang sa paligid? O ito talaga ang DNA ni Sara at ito ang instinct niya pag nagigipit — nanununtok?
Ito ang mapait na tadhana ng mga Pilipino: isang prinsesang nagmana ng karahasan ng extra-judicial killings, laban sa prinsipeng nagmana ng alamat ng pekeng ginto at karahasan ng Martial Law.
Dalawang araw makalipas ang 52nd anibersaryo ng Martial Law, dapat nating itanong sa sarili: Hindi pa ba tayo nagsasawa sa mga eredero at eredera ng mga dinastiyang politikal? – Rappler.com