Muling nanawagan sa pamahalaan ang biyuda ng pinaslang na gobernador ng Negros Oriental na si Roel Degamo para ibalik sa bansa ang pangunahing suspek sa krimen na si dating congressman Arnolfo Teves Jr.
Sa panayam ng media, sinabi ni Pamplona Mayor Janice Degamo na dapat maibalik sa bansa si Teves upang panagutan ang kanyang krimen kasama ng siyam na iba pang akusado.
“Nahuli na halos lahat bakit si Arnie hindi pa. Hopeful kami na mauwi siya talaga dito and be made answerable. May tinitingnan tayo na kaso na sinasalang na dapat siya sa court,” ayon kay Degamo.
“‘Yun lang `yung the only reason we can all move on `pag napanagot siya sa ginawa niya,” dagdag pa ng alkalde.
Nakatengga pa ang extradition case ni Teves sa Timor-Leste at masusing sinusubaybayan ng Department of Justice (DOJ) ang kaso.
Samantala, sa hiwalay na panayam kay Prosecutor General Richard Fadullon, ibinunyag nito na ipinagpaliban muna ng korte sa Maynila na humahawak sa Degamo murder case ang pagdinig sa kaso hanggang sa susunod na taon.
Ito’y matapos na maghain ng petisyon ang ibang akusado para payagan silang magpiyansa.
“Tingin ko hindi dapat e. Pero we are in a free country. Gusto rin nila i-avail yung mga remedy available sa kanila,” reaksyon naman ni Degamo sa hirit na makapagpiyansa ng ibang akusado.
Nitong Huwebes (Nobyembre 1) ay sinamahan ni Degamo ang mga testigo sa DOJ para sa kanilang paghahanda sa susunod na pagdinig na nakatakda sa Enero 2025. (Prince Golez/Andrea Salve)