Nakahanda na ang Senado sakaling humarap si dating pangulong Rodrigo Duterte sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee kaugnay ng mga alegasyon ng extrajudicial killings sa kanyang giyera kontra ilegal na droga.
Umaasa si Senate President Francis “Chiz” Escudero na gagamitin ni Duterte ang pagkakataon na magsalita sa pagharap nito sa Blue Ribbon Committee sa Lunes, Oktubre 28.
Ayon kay Escudero, hindi dapat sayangin ng dating pangulo ang pagkakataon na magsalita kaugnay sa mga kontrobersiyal na isyu laban sa kanyang “war on drugs”.
“Eto ang kauna-unahang pagkakataon na siya’y magsasalita kaugnay sa mga bagay na `yan, sana gamitin niya ang pagkakataon na `yun para magkaroon ng magandang palitan ng pananaw, magandang tanungan at sagutan para mabigyan linaw ang anumang nasa isip ng ating mga kababayan hindi lamang ng mga miyembro ng Senado,” ayon kay Escudero sa panayam ng DWIZ.
Tiniyak pa ni Escudero na ibibigay ng Senado ang nararapat na paggalang kay Duterte bilang dating pangulo, partikular ang mahigpit na pagsunod sa mga ipinatutupad na protocol sa pagdinig.
“Kasabay ng pagbibigay galang kay dating pangulong Duterte, bilang dating pangulo bibigyan natin sila ng hiwalay na holding area kung sakali maaga siya dumating bago ang pagdinig,” sabi ni Escudero.
Umaasa rin si Escudero na gagawin aniya ng mga senador ang anumang nararapat at nababagay bilang miyembro ng institusyon sa gagawing pagdinig.
Una nang kinumpirma ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang pagdalo umano ni Duterte sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee matapos na magkaroon sila ng pagkakataon na mag-usap noong Biyernes.
Sa kanilang pag-uusap nabanggit umano ni Duterte na bibiyahe ito Biyernes ng gabi papunta sa Manila para sa nakatakdang pagharap sa pagdinig ng Senado. (Eralyn Prado)