Inilarawan ng isang miyembro ng House Quad Committee na “deception in the highest form” o pinakamatinding panlilinlang ang mga pahayag ni dating pangulong Rodrigo Duterte nang humarap ito sa Senate Blue Ribbon subcommittee.
Sa naturang pagdinig, inako ni Duterte ang buong responsibilidad sa giyera kontra droga ng kanyang administrasyon.
Ngunit nang tanungin ni Senador Risa Hontiveros kung inaako rin niya ang responsibilidad sa pagkamatay ng mga drug suspect na tulad nina Kian Delos Santos at Carl Anthony Nuñez ay sumagot ng “No” si Duterte.
“Ang responsibility n`ya kasi, ang palaging sinasabi n`ya `yung dun sa policy pero ‘yung individual crimes that were committed by those mga lowly policeman hindi niya inaako `yun eh,” sabi ni House Committee on Public Order and Safety chairperson at Laguna Rep. Dan Fernandez sa panayam ng programang “Kwatro Kantos” sa Bilyonaryo News Channel.
“Kaya ang nakikita ko talaga dito I think the deception in the highest form was deliberately manifested by the actuation of the former President. Why? Kasi nga ang sinasabi niya ito kasuhan ninyo ko kasi responsibilidad ko ‘to sa policy, pero kapag ginagawa mo na `yung krimen aba hindi ko na sagot ‘yun,” aniya pa.
Ayaw tanggapin umano ni Duterte ang responsibilidad sa mga krimen na ginawa ng ibang tao at binigyang-diin pa nito na “personal” na bagay ang pagpatay.
Ipinahayag naman ni Fernandez na maaaring panagutin ang dating pangulo sa ilalim ng Republic Act No. 9851 o Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide and Other Crimes Against Humanity.
Sa naturang batas, maaaring panagutin ang isang opisyal sa mga maling gawain ng mga tauhan nito na nasa ilalim ng kanyang command responsibility.
Samantala, inihayag din ni Fernandez ang pagnanais nilang linisin ang organisasyon ng PNP.
“Alam mo sa totoo lang ang kita ko dito out of the 222,000 na mga force natin sa PNP ang liit lang ng porsiyento nito kaya dapat magsama-sama ang mga kapulisan dito linisin na natin ang PNP organization this is the right time,” ani Fernandez.
“Dahil majority sa inyo walang kasalanan,” dagdag pa ng mambabatas. (Billy Begas)