This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.
Anong hakbang ang gagawin ng gobyerno upang putulin ang pananamantala ng mahihina nating mga proseso at institusyon?
Sa hearing ng quad comm sa Mababang Kapulungan, sinabi ng isang kongresista na mastermind si Michael Yang at ang kasama nitong si Allan Lim ng isang “complex criminal network” sa bansa.
Sabi ni House Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., “These Chinese nationals are setting up corporations all over the country, taking advantage of our laws by perpetrating and promoting illegal activities…”
Sabi naman ni Deputy Speaker David Suarez, “layered” ang operasyon ng mga nagpapatakbo ng criminal network — gamit ang iba’t ibang kompanya upang ikubli ang ilegal na aktibidad. Gumagamit sila ng mga pekeng pangalan bilang nominee upang maitago ang kanilang pagmamay-ari. Gumagamit din sila ng mga lehitimong negosyo bilang fronts.
Kung sinabi ito bago ang June 2, 2024, baka iisipin nating sa Netflix lang ito nangyayari. Pero noong June 2, ni-raid ang isang Bamban Philippine offshore gaming operator (POGO) hub at nasimulan ang paghahalungkat sa kung paano — gamit ang fraudulently-obtained birth certificate — naging mayor ang sinasabing Chinese na si Alice Guo. Sangkot umano siya sa ilegal na aktibidad ng mga POGO sa kanyang munisipalidad.
Pang-mafia ang listahan ng mga krimeng ipinupukol sa mga criminal network na ito: drug trafficking, extrajudicial killings, money laundering, human trafficking, kidnapping, torture, DDOS attacks, at scamming.
Nagsanga-sanga rin ang imbestigasyon, at lo and behold, bumalik tayo sa isang kilalang personalidad: si Michael Yang, dating economic adviser ni dating presidente Rodrigo Duterte.
Ayon naman kay Deputy Speaker Suarez, si Tony Yang/Yang Jian Xin, nakatatandang kapatid ni Michael at kilala rin sa pangalang Antonio Maestrado Lim, ang mastermind umano ng mga operasyon at sindikato ng Yang brothers sa bansa.
Ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), tinangkang gawin ng pamilya Yang na gawing “kingdom” nila ang Cagayan de Oro City. Isang 3,000-hectare government-owned industrial estate ang naging playground umano ng mga Yang doon, kung saan nagaganap ang drug trafficking, smuggling, and offshore gaming. (BASAHIN: How government land was allegedly turned into a crime hub by Michael Yang’s brother)
Aktibo si Yang sa local Chinese Filipino groups, at ipinakilala ang sarili bilang lehitimong businessman. “Kingpin” nga raw ang naging reputasyon niya.
Walang kagatol-gatol na inamin niya sa harap ng mga kongresista na mayroon siyang Filipino birth certificate, habang nauna na niyang idineklara na isa siyang Chinese.
Tulad ni dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo, at ng kapatid niyang si Michael, na-penetrate ni Tony Yang ang mga sirkulo ng local traders, government officials, at pulis.
Ayon pa sa mga resource speaker ng Kamara, may business transactions daw si Tony Yang kay Alice Guo na nagkakahalagang P3.5 bilyon. Sumulpot din ang pangalan niya sa imbestigasyon sa Pharmally, ang maanomalyang kompanyang sangkot sa procurement ng overpriced medical supplies noong panahon ni Duterte.
“Complex” talaga ang web ng sabwatan sa kuwento ng Yang brothers at Chinese cohorts nila sa bansa.
Presidente si Tony Yang ng Oroone, isang service provider ng Xionwei. Ang Xionwei ay ni-rearrange na pangalan ni Lin Weixon, o si Allan Lim ng Pharmally.
Ang pinakamalaking tanong: sino ang nag-empower sa mga Yang — maliban sa mga korap na pulis? Sino ang ninong ng pamilya Yang sa Pilipinas?
For the record, itinatanggi ni Tony Yang na close sila ni dating pangulong Duterte. Pero, action speaks louder than words. May hihigit pa ba sa pagtatalaga sa kapatid niyang si Michael Yang na hindi Pilipino sa isang government post? Hindi ba’t ang photo-ops nila ni Duterte ang nag-set-up for success kay Michael?
Tila tagos sa buto ng national life natin ang mga Chinese — mapa-West Philippine Sea, at maging sa internal politics tulad ng kaugnayan nila sa mga Duterte, at pati na rin sa organized crime.
At anong hakbang ang gagawin ng gobyerno upang putulin ang pananamantala ng mahihina nating mga proseso at institusyon? Paano pipigilan ang invasion ng Chinese undesirable aliens sa bansa? Abangan ang susunod na kabanata. – Rappler.com