Switch Mode

[EDITORIAL] Ito na ba ang simula ng katapusan ng Davao Death Squad?


This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Dapat makasuhan at makulong ang mga pumatay, nagpayaman, at naghari-harian sa ngalan ng impunity

Parang jigsaw puzzle, nabubuo na ang larawan ng mafia network ni dating pangulo Rodrigo Duterte. “Mosaic of gore and plunder” ang tawag nga riyan ni Inday Espina-Varona.

Tokhang, Rodrigo Duterte, Drug War, Bato deal Rosa, Bong Go, Royina Garma, Drug war, AnimatEd

Tulad ng isang gangster organization, susi ang mga “loyal lieutenant” ng mafia boss. Pero ang gangster organization na ito, naka-embed sa gobyerno, at ang pangulo ang pinuno ng shadow organization na tinaguriang Davao Death Squad (DDS).

Dito pumapasok ang papel ng mga pinagkakatiwalaang DDS cops tulad ni retired police colonel Royina Garma at Napolcom Commissioner Edilberto Leonardo.

Sa isang quad committee hearing ng Kamara noong Setyembre 27, itinuro ni Police Lieutenant Colonel Santie Mendoza bilang mastermind sa pagpatay ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board secretary Wesley Barayuga sina Leonardo at Garma na general manager noon.

Sinabi ni dating PCSO chair Anselmo Simeon Pinilo sa hearing ng quadcom na malamang na motibo sa pagpatay kay Barayuga ang pagtanggi nitong mag-issue ng certificates para sa bagong small town lottery (STL) franchises. Tila balakid si Barayuga sa pagkontrol ni Garma sa mga prangkisa ng STL.

Sabi naman ni Surigao del Sur Representative Johnny Pimentel, tila nakaamba si Barayuga na isiwalat ang korupsiyon sa PCSO sa ilalim ni Garma. At ayon naman kay dating Cebu City mayor Tomas Osmeña, pinaghihinalaang protektor si Garma ng illegal numbers game.

Teka, hindi lang ‘yan — tila dawit din ang pangalan ni Senador Bong Go dahil sa kanya raw nagsumbong si Pinilo at Osmeña tungkol sa mga nangyayari sa PCSO —at nada — walang nangyari. Protektor kaya ni Garma si Go, na siyang nag-ayos umano ng appointment papers ni Garma sa PCSO matapos italaga ng amo niyang si Duterte? (Itinanggi na ni Go na may alam siya sa motibo sa pagpaslang kay Barayuga.)

Dawit din is Garma at Leonardo sa pagpatay sa tatlong Tsinong inmates sa Davao Prison and Penal Farm noong 2016. 

Pero ang pinakamatinding testimonya ay nanggaling mismo kay Garma. Sa kanyang affidavit, sabi ni Garma, ipinatawag siya ni Duterte sa isang meeting. Naghahanap daw ang Presidente ng magpapatupad ng war on drugs na “national scale” at sinusundan ang template ng “Davao model.”

Ang Davao model daw ay may reward system kung saan may gantimpala ang pumatay. Ayon kay Garma nasa P20,000 ang reward sa Davao model at umaabot nang hanggang isang milyon ang cash incentive sa pagliligpit ng umano’y mga sangkot sa drug trade.

Pero ayon sa testimonya ng whistleblower ng dating Duterte assassin na si Arturo Lascañas, marami sa mga bikitima ay iniligpit dahil kakompetensiya sa underworld. 

At ayon kay Garma, si Bong Go ang sangkot sa operasyon dahil siya ang naghahanda ng weekly report at nagpoproseso ng mga refund.

Gaano kabagsik ang mafia na ito? Nang umano’y pinagbantaan ni Philippine National Police chief noon na si Ronald “Bato” dela Rosa, si Kerwin Espinosa na matutulad siya sa amang namatay sa umano’y shootout sa kulungan, agad sumunod si Espinosa. Si Kerwin ang isa sa maraming testigo laban kay dating Senador Leila de Lima na umano’y coerced o pinilit na magbigay ng pekeng testimonya. 

Si Bato ang arkitekto ng tokhang, habang si Leonardo ang tactician. Si Garma ang operator, at ayon naman kay Arturo Lascañas — ang International Criminal Court witness laban kay Duterte — si Bong Go ang bookkeeper at disbursing officer.

Marami pang mga pangalan na sangkot, pero sila ang inner circle — ang pinakamakapangyarihang sindikato na umano’y nag-o-operate mula sa mga bulwagan ng gobyerno.

Pero bilog ang mundo, at nagbabago ang kapalaran. Si Garma, tila inalat talaga. Kinansela ng Estados Unidos ang kanyang pasaporte. Ang masakit nadiskubre niya ito sa Japan nang pa-board na siya sa connecting flight papuntang US. Pagkatapos, ipinatawag siya sa Mababang Kapulungan at na-contempt pa nang dalawang beses. Napilitan pa siyang gamitin ang mental health ng anak upang magpaawa.

Pero lumuha man ng dugo si Garma, walang talab ito sa mga pulitikong malinaw ang agenda — gamitin ang pulpito ng Kamara upang mahubaran ang mga krimen ng mafia ng dating pangulo — at pahinain ang pamilyang banta ngayon sa dominance ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. 

Tila poetic justice na partisan politics ang gasolinang nag-e-expose sa krimen ng acolytes ni Duterte. Pati nga ang akusado ng qualified trafficking at sexual abuse of a minor na si Apollo Quiboloy, nawalan ng kalasag.

Ika nga, one evil at a time. At tila isa-isa nang bumabagsak ang inner circle ni Duterte — at sa kaso ni Garma — bumabaligtad.

Ang mahalaga, masalo ito ng justice system at maprosecute at makulong ang mga pumatay, nagpayaman, at naghari-harian dahil sa impunity.

Kapag lumalagapak na ang mga alipores, sino na ang susunod? – Rappler.com



Source link

Recommendations

Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *