This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.
Maraming klase ng luha. May luhang self-serving. May luha ng inang nawalan ng anak dahil sa baril ng ‘alagad ng batas’.
Nang humarap ang paboritong pulis ni Rodrigo Duterte na si Royina Garma sa Mababang Kapulungan, ito ang sinabi niya. “I want to answer your questions, I have a daughter waiting for me, she attempted to kill herself three times, I cannot leave her, she’s waiting for me.”
Itinuturo si Garma ng self-confessed hitman na si Arturo Lascañas, na implementer ng Davao Death Squad (DDS). Si Garma raw ang umano’y humawak ng mga hitmen, ayon kay Lascañas, at nagpatupad ng mga direktiba ni Bong Go, aide noon ni dating Davao mayor Duterte, kaugnay ng pagliligpit ng mga tao o ng mga extrajudicial killing (EJK).
Hindi namin pagdududahan ang pusong ina ni Garma at lalong hindi namin tinatawaran ang dinaraanan ng mga kapamilya ng may mental health issues.
Pero magbabago ang appreciation natin sa mga sinabi ni Garma kapag inihambing dito:
Ito ang sworn statement ng ina ni Rabby Lopez na si Raquel, na napatay sa police operation sa Cebu City noong 2018, kung kailan police chief si Garma noon.
“At the wake, Royina Garma and her police officers came to our place, she was enraged, she hollered out and strutted around and she was angry at [us] for holding a wake [for] the death of [my] son and ‘ngano daw gibilaran akong anak (why are you holding a wake for your child),’ she was telling us ‘Why is there only one dead? There are many of them here.’”
Mapapatanong ka: Kailangan ba talagang ilabas ni Garma sa publiko na may pinagdaraanan ang anak? Hindi ba naisip ni Garma na maaaring lalong makakasama ito sa peace of mind ng anak?
At ang pinaka-shameless: bakit ginagamit ang mental health problems upang makaiwas sa contempt ng Kamara?
Maraming klase ng luha. May luhang self-serving — awang-awa sa sarili dahil napahiya, nahirapan, at nabulilyaso ang plano ng good time. Welcome to the real world, mga ginang at ginoo — ‘yan ang dinaranas naming lahat na walang koneksiyon, walang pera, at walang kapangyarihan.
Pero wala nang hahapdi pa sa luha ng inang nawalan ng anak, courtesy ng baril ng so-called “alagad ng batas.”
Sa mga katulad ni Royina Garma na umano’y sangkot sa Davao Death Squad at sa tokhang: Panoorin ninyo ang paghagulgol ni Garma sa Kamara.
Kanti pa lang yan ng “long arc of moral justice.”
Patikim pa lang iyan ng tinatawag ng Bibliya na “reckoning” sa mga kasalanan.
Sampol pa lang iyan ng backlash dahil sa nagharing impunity noong panahon ni Duterte sa Davao at buong Pilipinas.
Anong naramdaman ni Garma nang malaman niyang kanselado ang visa niya sa United States? Ano kaya ang naramdaman ni Bato dela Rosa na hindi na rin makabiyahe pa-Tate?
Tapos na ang maliligayang araw ng junket, shopping spree, golf, at bakasyon grande sa Estados Unidos. Mayroon nang Global Magnitsky Act at Asia Reassurance Initiative Act (ARIA). May mga katulad na legislation din na nakasalang sa Europa. At hindi lang ang taong direktang sangkot sa human rights violations ang maaaring hindi makapasok ng Estados Unidos, kundi pati “immediate family members” na maaaring hindi na makakuha ng visa.
Alam namin na little comfort ito sa mga naulila ng ama, anak, o kapatid. Ano ba naman ‘yung hindi na makabiyahe?
Alam din nating nagbago ang ihip ng hangin dahil sa politika at hindi dahil sa overnight ay naging human rights defenders ang mga kongresista. Sabi nga ni Walden Bello: bahagi ang International Criminal Court (ICC) arrest warrant na nakaamba sa ulo ni Duterte sa strategy ni Marcos na tanggalan ng pangil ang dating presidente at ang kanyang pamilya.
Pero magandang simula ito sa mga pamilyang maaaring nabuhayan ng loob dahil sa may naaaninag nang hustisya, lalo na sa internasyonal na antas tulad ng ICC.
Ito na rin ang pagkakataon upang ikuwento ang istorya nila. Andiyan ang libro ni Patricia Evangelista Some People Need Killing. Andiyan ang mga pelikulang Ma’Rosa (2016), Aswang (2020), A Thousand Cuts (2020), at Madilim ang Gabi (2020).
Samantalahin natin ang kaunting demokratikong espasyo habang nariyan. Dahil bukas-makalawa, maaaring magbago muli ang ihip ng hangin. – Rappler.com