Hindi pa nakakaalis ng bansa si dating presidential spokesperson Harry Roque, ayon sa Bureau of Immigration (BI).
Ginawa ni BI spokesperson Dana Sandoval ang pahayag dahil sa tila pahiwatig umano ni Vice President Sara Duterte sa online press briefing nito noong Sabado na posibleng nakaalis na sa Pilipinas si Roque.
“As per BI records po, (Roque is still) in the country. No recorded recent attempt to depart (the Philippines),” sabi ni Sandoval sa kanyang mensahe sa mga reporter nitong Lunes, Nobyembre 25.
May inilabas na Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) ang BI noon pang Agosto 24 laban kay Roque. Naglabas din ng hiwalay na ILBO sa asawa nitong si Mylah Roque noong Setyembre 16.
Parehong hindi mahagilap hanggang sa ngayon ang mag-asawang Roque. May ulat pa na nakaalis ng bansa si Mylah at nagtungo sa Singapore para magpagamot.
Naglabas ng arrest order laban sa mag-asawang Roque ang House Quad Committee matapos na isnabin ang kanilang patawag para sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa. (PNA)