Sa paggiya ni Louie Ramirez, madaling winalis ng beteranong Cignal ang batang De La Salle-EcoOil, 25-21, 25-12, 25-19, para sa pang-apat na ratsada sa 7th Spikers’ Turf Invitational Conference prelims nitong Biyernbes ng gabi sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Humambalos siya ng 16 points sa epektibong 15-of-24 attack para bidahan ang HD Spikers sa solo segunda sa 5-1 win-loss record sa men’s volleyfest na inoorganisa ng Sports Vision Management Group Inc.
“I’m very happy lalo na nung second set na ang errors namin ay four lang. I was quite pissed off during the first set kasi we had 10 errors… I’m very happy kasi alam naman natin ang mga bata aggressive yan,” bulalas ni Dexter Clamor.
Motibasyon pa ng Cignal coach sa kanyang players ang pagdomina ng mga ito sa collegiate para ibagsak ang baraha ng karibal sa 4-1 at sosyohan sa tersera ang Criss Cross King Crunchers tapos ng isang oras at 25 minutong hambalusan.
“During the huddle, I told my players you were the star players in your teams during your collegiate years. It’s not yabang, it’s pride na talented tayong lahat, university ang kalaban na mas bata sa atin, dapat hindi tayo magpatalo,” hirit ng Cignal champion mentor.
Pagkasapaw sa second set , umalma ang Taft-based squad sa second stanza, hinirit ang 12-10 abante sa kalagitnaan.
Pero ang bangis ng HD Spikers sa pagsasabwatan nina Ramirez at JM Ronquillo ang bumaligtad agad sa senaryo. Nakatuwang pa nila sina Wendel Miguel at Lloyd Josafat tungo sa pagselyo sa tagumpay.
Tinapos nina middle blocker Josafat at outside hitter Miguel ang salpukan na may tigsiyam na mga puntos. Nagdagdag si Ronquillo ng walo at si JP Bugaoan umiskor ng pito.
Tapon sa basurahan ang 12 markers sa Green Oilers ni Noel Kampton. (Abante Tonite Sports)