This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.
Narito ang ilang paalaala mula sa World Health Organization para sa mga nagbabalak maglinis ng kanilang binahang bahay
MANILA, Philippines — Hindi na bago para sa mga Pilipino ang baha.
Kumpara sa ibang bansa, mas maraming bagyo ang dumaraan sa Pilipinas — humigit-kumulang 20 tropical cyclone kada taon. Sa Metro Manila lang, nasa 107,000 na residente kada taon ang nalalagay sa panganib dahil sa mga bagyo.
Ayon sa mga mananaliksik mula sa University of the Philippines Resilience Institute (UPRI), mas madaling bahain ang malalaking lungsod sa Pilipinas dahil lumulubog ang lupa ng mga ito bunga ng pagkuha ng tubig, langis, at mga yamang mineral. Kabilang sa mga apektadong lugar ang Greater Manila Area, Metro Cebu, Metro Davao, Metro Iloilo, at Legazpi City.
Sa tindi ng baha, may mga pagkakataong pinapasok ng tubig, o tuluyang nalulubog, ang mga bahay. At payo ng World Health Organization (WHO), ang mga residenteng lumikas sa kasagsagan ng bagyo ay hindi dapat bumalik sa mga binaha nilang tahanan hangga’t walang abiso mula sa lokal na pamahalaan.
Narito ang ilang paalala mula sa WHO para sa mga nagbabalak maglinis ng kanilang binahang bahay:
- Huwag buksan ang kuryente o gumamit ng electrical appliances habang nakalusong sa baha.
- Buksan ang mga pinto at bintana upang makatulong sa pagpapatuyo ng iyong bahay.
- Magsuot ng face mask, rubber boots, at guwantes habang naglilinis ng iyong bahay.
- Umiwas muna sa mga lugar na maputik at kontaminado ng baha.
- Ipatingin sa skilled technicians ang iyong mga gas at electrical appliances bago gamitin muli ang mga ito.
May mga dapat pa bang alalahanin ng mga tao matapos ang matinding pag-ulan at baha? Pag-usapan natin ito sa Project Agos chat room ng Rappler Communities app. – Rappler.com