Agarang pinakilos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para repasuhin muli ang Bicol River Basin Development Program matapos ang malawakang pagbaha sa naturang rehiyon dulot ng Bagyong Kristine.
Ginawa ng Pangulo ang kautusan sa situation briefing na ginanap sa Naga City nitong Sabado, Oktubre 26, kung saan kabilang sa mga lumahok si DPWH Secretary Manuel Bonoan.
Ipinag-utos niya na repasuhin ang naturang proyekto na natigil ang pagpapagawa noong 1986 para matugunan ang problema sa matinding pagbaha sa Bicol Region.
Binanggit pa ng Pangulo na doble ang taas ng tubig-baha sa Bicol kumpara sa naitala sa kasagsagan ng Super Bagyong Ondoy noong 2009.
bagyong
“Itong mga lugar, mga [lugar sa] Batangas, mga [lugar sa] Cavite, nawala kaagad ang tubig. Dito, hindi nawawala ang tubig. But that’s the proverbial problem of the Bicol River Basin. Kaya’t kailangan talaga nating pag-isipan what are we going to do with the long-term because you cannot expect any changes,” hamon ni Pangulong Marcos sa DPWH.
Binigyang-diin niya na hindi na dapat maulit pa ang ganitong sitwasyon.
“Next time it rains, (heto) na naman tayo. It would be the same situation all over again. So, we have to find a long-term solution. Pinag-aaralan ko ito and I found that in 1973 there was the Bicol River Basin Development Project,” ani Pangulong Marcos.
“`Yun lamang, hindi natapos. In 1986 when the government changed, nawala na ‘yung project. Basta’t natigil. So, we have to revisit it now. Iba na ang conditions ngayon with the advent of climate change,” dagdag pa ng Pangulo.