Umabot na sa 158 na lugar sa bansa ang nagdeklara ng state of calamity matapos ang pananalasa ng Bagyong Kristine, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Batay sa pinakahuling situational report ng NDRRMC na inilabas nitong Linggo, Oktubre 27, sa Bicol Region ang may pinakamaraming lungsod at munisipalidad na isinailalim sa state of calamity na umabot sa 78.
Kabilang dito ang buong lalawigan ng Albay, Camarines Sur, Camarines Norte, at Catanduanes, gayundin sa Bulan, Sorsogon.
Sumunod ang Calabarzon na may 63 lungsod at munisipalidad na nasa ilalim ng state of calamity: Cavite (buong probinsya); Batangas (buong probinsya); Quezon (Tagkawayan, Mulanay, Heneral Luna); at Laguna (Sta. Cruz, San Pedro City, Victoria).
May 13 lugar naman sa Eastern Samar ang isinailalim sa state of calamity:
Samar, Calbayog, Eastern Samar, Jipapad, Arteche, San Policarpo, Oras, Maslog, Dolores, Can-avid, Taft, Sulat, San Julian, Borongan, at Maydolong.
Tig-isang lugar ang nagdeklara ng state of calamity sa Ilocos Region, Soccsksargen, Cordillera Administrative Region, at National Capital Region: Dagupan City; Magpet, Cotabato; Alfonso Lista (Potia), Ifugao; at Quezon City. (Vincent Pagaduan)